PATAY ang isang 37-anyos mister, makaraang makipagputukan nang sitahin ang kanyang bitbit na baril, habang umaaligid sa tapat ng barangay hall, kamakalawa ng gabi sa Caloocan City.
Dead on the spot si Sandy Raymundo, alyas Palaka, 37, ng Libis St., Brgy. 55, ng nasabing lungsod sanhi ng tama ng bala ng kalibre .9mm sa katawan.
Sa ulat ng pulisya, dakong 6:20 pm nang mapansin ang suspek na aali-aligid sa kanilang barangay hall at napuna ang nakabukol na baril sa kanyang tagiliran kaya agad tumawag sa mga awtoridad ang mga barangay tanod.
Nang sitahin ng mga nagrespondeng pulis ay agad sumakay sa isang tricycle ang suspek pero hindi nakaabante sa sikip ng kalsada dahilan upang siya ay bumaba saka mabilis tumakbo.
Nakorner ang suspek sa kanto ng P. Sevilla St., Brgy. 54 na agad bumunot ng baril at nakipagputukan sa mga pulis pero siya ang naputukan na agad niyang ikinamatay.
Nakuha sa katawan ng suspek ang isang kalibre .45 baril at magazine na may mga bala.
Matatandaang dalawang barangay chairman sa lungsod ang pinatay ng riding in tandem at isang kagawad ang sugatan kaya inaalam kung target ng suspek ang opisyal ng Barangay 55.
(rommel sales)