Posibleng makulong at madawit sa kasong libelo si Lamberto Lopez, matapos niyang umatras at akusahan ang isang Customs deputy commissioner na nasa likod ng paninira sa kapwa deputy commissioner na si Jesse Dellosa.
Sa panayam kay Atty. JV Bautista, abogado ng inaakusahang si Customs deputy commissioner Ariel Nepomuceno, maaaring napuwersa ng ilang grupo si Lopez na iatras ang naisampang kaso laban kay Dellosa at ina-kusahan naman si Nepomuceno upang pagsa-bungin ang dalawa.
Sa isinampang kasong katiwalian ni Lopez laban kay Dellosa sa Tanggapan ng Ombudsman, kinikilan umano ng mga tauhan ni Dellosa si Lopez, upang mabilisang mailabas ang mga kargamentong ipinasok ng kompanya ni Lopez sa bansa.
Una umanong humi-ngi ng P200,000 ang mga tauhan ni Dellosa kay Lopez na siya nitong pinagbigyan. Nagulat na lamang si Lopez nang hingian pa umano siya ng ikalawang bayad o “tara” nina Dellosa kapalit ng pagpapa-labas ng mga kargamento.
Nang umalma sa publiko si Dellosa, agad nagtungo sa Ombudsman si Lopez upang iurong ang kasong katiwalian. Sa kanyang pag-atras, tahasan niyang isinabit ang isang staff ni Nepomuceno na siya umanong nakiusap sa kanya na isampa ang kaso laban kay Dellosa.
Para kay Atty. Bautista, isang imbento at pawang kwentong kutsero lamang ang ginawa ni Lopez at maaari umanong napilitan itong baliktarin ang sitwasyon dahil sa takot.
“Kilala ko nang matagal na panahon si deputy commissioner Ariel Nepomuceno. Siya ay isang opis-yal at maginoo. Wala sa katauhan ni Nepomuceno ang magpakalat ng kasinunga-lingan laban sa kapwa opis-yales, lalo na sa isang da-ting AFP chief of Staff.
“Sa totoo, kabilang si Nepomuceno sa mga grupo ng mga dating militar na naghahangad ng reporma at pagbabago sa gob-yerno. Imposibleng gawin niya ang iniaakusa sa kanya ni Lopez. Sa totoo lang, walang ebidensya si Lopez laban kay deputy Commissioner Nepomuceno.
“Kwentong kutsero lamang ang sinasabi ni Lopez, gawa-gawa ng kanyang malisyosong pag-iisip,” ani Bautista.
Nauna nang pinabulaanan ni Nepomuceno ang inisyal na mga akusasyong siya ang may pakana upang sirain si Dellosa sa mata ng publiko. Bilang miyembro ng PMA class 1987, may mataas na respeto at pagkilala si Nepomuceno kay Dellosa, na kapwa Mistah at dating pinakamataas na opisyal ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas.
“Peer ko at senior officer si deputy commissioner Dellosa. Malaki ang respeto ko sa kanya, bilang opisyal at bilang maginoo. Hindi ko magagawang siraan siya sa publiko sapagkat naniniwala akong kasama ko siya sa mga kilusing may kaugnayan sa pagbabago,” ani Nepomuceno.
(leonard basilio)