Mananatili pa rin ang Moro Islamic Liberation Front (MILF) kahit pa matapos ang isinusulong na peace process ng grupo at ng gobyernong Aquino.
Ayon kay MILF chief negotiator Mohager Iqbal, hindi malulusaw ang MILF, pero ang patuloy nitong paglutang sa pagtatapos ng peace process ay hindi na bilang armadong grupo.
Sa tanong kung itinuturing pa nila ang kanilang sarili bilang mga armadong rebelde, ngayong pirmado na ang Comprehensive Agreement, ay hindi na gaano, ani Iqbal.
Ani Iqbal, bagamat isa pa rin umanong rebelde ang kanyang turing sa sarili lalo’t hindi pa naisakakatuparan ang decommissioning ng mga armas, unti-unti silang magbabago tungo sa pagyakap sa demokratikong pamamaraan.
Nilinaw rin ni Iqbal na sa pagsusulong ng peace process, hindi sangkot sa usapin ang elemento ng pagsuko at pagwasak sa mga armas ng MILF.
Ang kanila umanong armas ay ide-decommission, kumbaga sa sasakyan, ito ay igagarahe pero ang kontrol sa mga armas ay wala sa MILF at wala rin sa gobyerno.
Ilan umano sa kailangan tutukan sa proseso ay ang pagbubuo sa Bangsamoro Police at pagbuwag sa private armed groups.
(leonard basilio)