INIUTOS ng Department of Justice (DoJ) ang pagsasampa ng kasong illegal possession of firearms laban sa top leaders ng Communist Party of the Philippines (CPP) na si Benito Tiamzon, asawa niyang si Wilma Tiamzon at limang iba pa.
Ito ay makaraan silang isalang sa inquest proceedings.
Ayon kay Prosecutor General Claro Arellano, naki-taan ng probable cause at sapat na mga ebidensya ang naarestong mga indibidwal.
Samantala, mananatili muna sina Tiamzon at mga kasama sa PNP custodial center habang wala pang kautusan na inilalabas ang korte.
Magugunitang ang mga rebelde ay naaresto noong nakaraang linggo sa Carcar City, Cebu dahil sa kasong frustrated murder at murder sa Regional Trial Court Branch 31 sa Laoang, Northern Samar.
Iginiit ni Justice Sec. Leila de Lima na hindi maaaring i-invoke ng mga rebelde ang Joint Agreement of Safety and Immunity Guarantee (Jasig) para makaligtas sa kinakaharap na kaso.
Ipinaliwanag ng kalihim, maaaring magamit lamang ng dalawa ang kasunduan kung mayroong umiiral na usapang-pangkapayapaan sa gobyerno at National Democratic Front (NDF), ang legal-wing ng CPP.
(FILIPINAS ALCALA)