ni Art T. Tapalla
MEDYO na-curious yellow tayo sa ating nasulyapang post sa yahoo, hinggil sa trilogy movie, ang “Bang, Bang Alley” na ginawa ng tatlong medyo bago sa pandinig sa larangan ng pagdirehe ng pelikula.
Tampok sa “Pusakal” episode ang 2013 Miss World na si Megan Young, sa karakter na Abbey, dinirehe ng singer/composer Ely Buendia (kasama sina King Palisoc (“Makina”) at si Yan Yuzon (“Aso’t, Pusa, Daga”).
Ani Buendia, hindi pa sumasali sa Miss Philippines-World si Megan nang kanilang gawin ang “Bang, Bang, Alley”, na ang tema ay tipong action-thriller.
Umaapaw ang papuri ni Ely sa kanyang artistang si Megan: “Sobrang walang sakit sa ulo. Super down to earth at super nice. Whatever you asked her to do, she would do it without question and with conviction,” ani ng nagpasikat sa awiting theme song ng “Dekada ‘70″, ang “Hanggang.”
Ayon pa kay Ely, wala siyang narinig na reklamo mula kay Megan, kahit nu’ng ipagawa niya ang isang shower scene.
Tampok sa “Bang, Bang , Alley” ang mga bigating actor sa pangunguna ni Joel Torre, Art Acuña, Pede Bautok, Gabe Mercado, Bela Padilla, Jimmy Santos, Althea Vega, Jaime Wilson, at iba pa.
Ang nasabing indie film ay initial movie venture ng Curve Entertainment at Nimbus Films, na palabas na sa Abril 9, 2014.
CANDY PANGILINAN, HUWARANG INA
Saludo tayo kay Candy Pangilinan sa kanyang paglalahad hinggil sa anak niyang ‘special child’, si Quentin Alvarado, na ayon sa mga ekspertong mediko, may attention deficit hyperacidity disorder (ADHD) plus “high sensory integration problem” si Quentin.
Ayon sa kwento ng mahusay na actress, sa presscon ng kanilang bagong proyekto, ang “Beki Boxer,” kapag sinusumpong ng kanyang sakit si Quentin (noon) ay inuumpog niya ang kanyang ulo sa dingding. Salamat at sa kanyang matiyagang pag-aalaga (consistently) ay naka-recover na si Quentin.
At ang karanasan ni Candy sa pag-aaruga sa kanyang anak ay kanyang isasa-libro para magsilbing inspirasyon sa maraming ina na merong katulad na problema ng kay Quentin.
Samantala, very proud si Candy sa kanyang role bilang nanay ni Alwyn Uytengco, ang title roler sa “Beki Boxer.”
“UNDERGROUND” CATHOLIC BISHOP SA CHINA
PUMANAW NA!
INILIBING na noong Sabado, Marso 22, ang kinikilalang “underground” Chinese Catholic Bishop, si Joseph Fan Shangliang, 97, sa Shanghai.
Dumagsa ang libo-libong taga-suporta ni Bishop Fan sa burol ng “aktibistang” Obispo, sa Shanghai Square.
Si Bishop Fan ang kinikilalang lider ng may 12-M Katoliko sa China, sa kabilang mahigpit ang pamahalaan Tsina sa pagdaraos ng iba’t ibang aktibidades ng “underground” Catholics sa kanilang bansa.
Na-ordenahan bilang pari si Joseph Fan noong 1951, at siya’y hinirang na Obispo noong 2000 ni Pope John Paul II, pero hindi kinilala ng pamahalaang Tsina.
Dahil sa kanyang masidhing pagtalima sa doktrina ng mga Katoliko, mahigit dalawang dekada (20 taon) ikinulong si Bishop Fan bukod pa sa mga labor camps.