MARAHIL inakala ng mga sindikato na nagpapahinga ang pwersa ng Quezon City Police District (QCPD) dahil tila walang nababalitang kampanya ng pulisya hinggil sa kriminalidad.
Diyan sila nagkamali dahil kailanman ay hindi natutulog ang pwersa ng QCPD na pinamumunuan ni Chief Supt. Richard Albano bilang District Director.
Kamakailan, sumalakay ang isang grupo ng gapos gang sa lungsod – ang “Cuya Hogtied gang.” Pero hindi umubra ang mga ‘tadong grupo sa pulisya ni Albano este ng Kyusi pala.
Hayun, hindi lang naaresto ang mga miyembro ng grupo kundi maging ang kanilang lider. Kaya, buwag na ang grupong ito. Masuwerte kayo at buhay pa kayo. He he he …
Oo buhay pa naman nang maaresto ang lider at mga miyembro ng sindikato dahil hindi naman sila nanlaban at sa halip ay hindi na sila pumalag nang arestohin sila matapos na salakayin ang kanilang kuta sa Barangay Barreto, Olongapo City.
Nadakip sa pangunguna ni QCPD-Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) Chief, Supt. Rodelio Marcelo sina Jonathan Cuya, 23, pinuno ng grupo, kasama ang kanyang miyembro at kapatid na si Jose Cuya, Jr., 25, businessman at tatlo pang sina Michael Tolentino,19, ng Talanay Area B, Batasan Hills, Quezon City; Martin Lalata, 27, pedicab driver at Rodolfo Lalata, Jr., tricycle driver, kapwa residente ng 13 A Sto. Cristo St., Balintawak, Quezon City.
Ayon kay Albano, nadakip ang mga suspek sa isinagawang follow-up operation ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) na pinamumunuan ni Chief Insp. Rogelio Marcelo, makaraang ituro ang grupong Cuya, na responsable sa panloloob sa bahay ng isang Jesus Ver sa 48 Seattle St., Brgy. Immaculate Concepcion, Quezon City, nitong Marso 17 (2014).
Nagawang tangayin ng mga suspek ang P2 milyon cash, alahas at iba pang kagamitan ng pamilya Ver. Nang pasukin at pagkawan ang pamilya Ver, itinali ng mga suspek si Ver at siyam pang kasama sa bahay.
Kaya sino’ng nagsasabing natutulog ang QCPD? Para sa inyong kaalaman, hindi nagpapahinga ang QCPD. Sila ay 24/7 naglilingkod sa taong bayan sa pamumuni ni Gen. Albano.
Mga komento
sa PUVs/delivery
tax sa QC
Bigyan-daan natin ang mga text komento sa inilabas natin nitong Martes kaugnay ng special tax ng Quezon City para sa public utility vehicles at delivery van at iba pang sasakyang tulad nito.
“Ano ba naman ‘yan, hirap na nga ng kita ngayon dahil sa ang mamahal ng piyesa at gasolina o krudo tapos maniningil pa ng special tax ang Quezon City. Sila na lang ang bubuhayin naming.” (0918453——)
Grabe naman, kahit garahe bubuwisan na, ganyan ba kagutom ang gobyerno ngayon. Mabuti sana kung talagang pakikinabangan ng taumbayan ang sisingiling panibagong buwis ni Bistek. Baka sa bulsa lang ng mga tiwali sa City Hall mapunta ang buwis. (0925653—)
May road tax naman na ha, bakit kailangan pa ng special tax para sa delivery van lalo na ang para sa garahe. Tiyak na ang ordinansang ito ng Quezon City ay magagamit lang sa pangongotong. (number withheld)
Special tax o special kotong iyan ng gobyerno ng Quezon City. Ang mamahal na nga ng mga bilihin tapos heto na naman panibagong buwis. Maawa ka naman sa amo namin mayor, bihira na nga lang ang biyahe ng mga truck niya. (0927556——)
Tama na ang mga dagdag na buwis Mayor. Ang gawin niyo na nakabubuti sa lahat ay habulin ang mga tauhan niyong magnanakaw ng buwis. (numberwithheld)
Maganda yan Mayor Bistek, Abusado din kasi ang mga may-ari ng delivery vans kahit kalsada ay ginagawa nilang garahe. Dapat lang pabayaran sila ng special tax. Dapat nga diyan ay hindi lang taunan ang paniningil ng buwis kundi buwanan lalo na iyong mga walang garahe at ang ginagawang garahe ay mga barangay raod. Ituloy mo yan Mayor Bistek. (0922908——)
***
Marahil akala rin ni Boy Intsik ang kilalang video karera king ng Taguig City na tapos na ang pagbatikos natin sa kanyang ilegal na aktibidad sa lungsod. Hindi pa tapos ang lahat. Abangan!
Almar Danguilan