ni Rommel Placente
NASA Batanes ngayon si Jeric Gonzales para sa shooting ng Dementia na bida si Nora Aunor at mula sa direksiyon ni Percy Intalan.
Sobrang saya ang gwapong bagets at masasabi niyang isang malaking karangalan na nakasama niya sa pelikula ang nag-iisang Superstar.
Alam naman ni Jeric kung gaano kahusay na aktres si Ate Guy, kaya naman aminado siya na kinakabahan siya sa mga eksenang gagawin nilang dalawa.
Sa unang eksena nga nila ay uminom muna siya ng maraming kape at isang shot ng Black Label dahil nga kinakabahan siya sa magiging batuhan nila ng linya ng mommy ni Lotlot de Leon. At bago kunan ang kanilang eksena ay niyakap muna niya si Ate Guy.
Pero pinalakas ni Ate Guy ang kanyang loob at sinabihang kaya niya ang eksena nila dahil magaling naman siyang aktor. Sa sinabing iyon ni Ate Guy ay lumakas ang loob ni Jeric kaya naitawid niya ng maayos ang eksena.