MASUSING iniimbestigahan ng Manila Police District (MPD) ang pagpatay sa isang abogado na konektado sa pag-iimprenta ng libro na tinambangan habang lulan ng kanyang kotse sa Sta. Ana, Maynila kahapon ng umaga.
Hindi na umabot nang buhay sa Sta. Ana Hospital si Atty. Clinton Laudencia, Jr., 53, tubong Muñoz, Nueva Ecija at residente ng #677 Lerma St., Mandaluyong City, sanhi ng mga tama ng bala sa leeg, katawan at braso.
Inaalam pa ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng suspek na tumakas lulan ng hindi naplakahang motorsiklo.
Ayon sa ulat ni Insp. Steve Casimiro, hepe ng MPD-Homicide section, dakong 10:15 a.m. nang naganap ang insidente sa Old Panaderos at Azucena streets, sa Sta. Ana.
Galing ang biktima sa kanyang opisina sa Silang St., Sta. Ana, sakay ng kanyang gray Honda Civic (ZNP-207) nang tambangan ng suspek.
Nabatid na si Laudencia ay nanunungkulang director ng Philippine Industries Association of the Philippines (PIAP).
Ang PIAP ay samahan ng mga negosyante sa industriya ng imprenta at kinikilala at sinabing accredited ng National Book Development Board (NBDB) para sa pag-iimprenta ng mga textbooks at iba pang module.
Noong Nobyembre 16, 2012 pagkatapos ng isang tensiyonadong eleksiyon, inihalal na auditor ng PIAP ang abogado kapalit ng isang Lina Enriquez.
Bukod sa negosyong imprenta, sinisilip din ng mga awtoridad ang mga kasong hawak ni Laudencia kung may kaugnayan sa nasabing pananambang.
ni LEONARD BASILIO