NITONG nakaraaang linggo, parang mga bandidong gestapo na basta na lamang pinasok at sinalakay ng isang grupo na pinamumunuan ng isang talunang konsehal sa Maynila ang isang KTV Club cum putahan sa Pasay City.
Ang tinutukoy natin ay ang “Miss U” na kilalang prente ng prostitusyon at pabrika ng sakit na “tulo” sa F.B. Harrison, malapit sa kanto ng kalye Libertad.
Nakaraang Sabado ng gabi, dumating sa nabanggit na establisyemento ang talunang konsehal na si Erick Valbuena kasama ang isang grupo ng mga unipormadong security guard at goons na lulan ng isang sasakyang pick-up truck.
Kasama rin nilang sumalakay sa naturang establisyemento ang isang suspected Japanese ‘Yakuza’ na nagngangalang Kenji Akiba na napag-alamang fugitive at wanted sa Japan at malaon nang nagtatago sa bansa.
Napag-alaman na ang Miss U ay pinatatakbo ng isang Mr. Suzuki na kabilang sa mga Japanese investors na niloko ng kababayan nilang si Akiba sa negosyo, kasabwat ang isang nagngangalang ‘Bernard Golden.’
Puwersahang pinalabas ng mga umano’y armadong grupo ni Valbuena ang mga staff at empleyado para agawin o i-takeover mula sa mga tunay na operator ang management ng Miss U.
Kinuha rin umano ng grupong sumalakay ang salapi na nagkakahalaga ng P700,000 na kita at revolving fund mula sa vault ng naturang KTV Club.
Humingi ng saklolo ang management ng Miss U sa tanggapan ni Col. Florencio Ortilla, hepe ng Pasay City police.
Pero sa halip na magresponde, sinabihan pa umano sila na maibabalik ang management sa mga operator kung tatapatan nila ang halagang P300,000 na inihatag na salapi ng mga sumalakay na goons na bitbit nina Akiba, Valbuena at Golden.
Tanong: Kung hindi totoo ‘yan, bakit walang nagrespondeng tauhan si Col. Ortilla?
Director Allan Purisima, ganito na ba ang pulis sa ilalim ng inyong pamumuno bilang hepe o Director General ng PNP?
Ilang taon ang nakararaan, una nang ipinasara ni Vice President Jejomar Binay ang naturang establisyemento sa Pasay dahil sa kasong human trafficking at naaktohang nag-eempleyo ng mga kababaihang menor de edad.
May basbas na ba ni VP Binay ang muling pagbubukas ng Miss U?
OFF-LIMITS SI VALBUENA KAY ERAP
SI Valbuena (aka Ah-Ah) ay tumakbong konsehal sa Maynila (5th Dist.) noong nakaraang 2013 election sa partido ni ousted president at convicted plunderer Erap Estrada pero sa ikalawang pagkakataon ay muling natalo.
Nabalitaan natin na kamakailan pala, sa utos daw mismo ni Erap, ay dinampot at inaresto si Valbuena ng mga kagawad ng Manila Police District (MPD).
Nakarating raw kasi sa kaalaman ni Erap na ginagamit ni Valbuena ang kanyang pangalan sa panggogoyo at pangongolekta ng ‘tong’ sa mga establisyemento na pinatatakbo ng mga dayuhang Hapones at Koreano sa Malate.
Pinayagan daw ni Erap na palayain si Valbuena pero mahigpit na pinasabihan sa mga pulis na dumakip na off-limits na siya sa Maynila.
‘Yan ang dahilan kung bakit sa Pasay naman siya ngayon naghahasik.
Ngayon pa lang, dapat nang mag-isip ang mga operator ng club, bar at KTV laban sa pangkat ni Ah-Ah bago sila matulad sa nangyari noong Sabado sa Miss U na halagang P300,000 lang pala ang katapat.
AGRABYADO TALAGA ANG MAHIRAP
NAGHIHIMAS ng rehas na bakal ang isang 35-anyos na tambay dahil sa pang-uumit ng P10 halaga ng key chain sa isang gadget store sa Quezon City.
Nahuli sa akto ang nasabing suspect kaya mabilis na ipinadakip sa sekyu at ipinakulong sa presinto noong nakalipas na Biyernes.
Dito sa ating bansa, madaling napapanagot ang mga magnanakaw na pobre dahil wala silang pambayad sa serbisyo ng abogado at hindi nila alam ang karapatan ng akusado.
“KATAPAT” SA DWBL
PAKINGGAN ang mga umuusok na balitaktakan sa mga napapanahong issue at pagbubulgar sa mga katiwalian sa aming programang “KATAPAT” na napapakinggan sa Radio DWBL (1242 Khz.), 11:00 ng gabi hanggang 12:00 ng hatinggabi, Lunes hanggang Biyernes, kasama ang inyong lingkod, ALAM chairman Jerry Yap, Rose Novenario, Peter Talastas, Jograd dela Torre at Atong Ma.
***
(Para sa anomang sumbong at reaksiyon, tumawag lamang sa 09174842180, o lumiham sa [email protected])
(Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09174842180. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected])
Percy Lapid