ISASALANG ng Malacañang sa pag-aaral ang panukala ni Sen. Sonny Angara na bawasan ang malaking buwis na kinakaltas ng gobyerno sa ordinaryong mga manggagawa sa bansa.
Batay sa panukalang batas na inihain ni Angara, plano niyang ibaba sa 25% ang sinisingil na buwis sa 2017 mula sa 32% sa kasalukuyan.
Sinabi ni Presidential Spokesman Edwin Lacierda, kailangan munang tutukan ang iba pang nakabinbing tax reform bills sa Kongreso bago nila tingnan ang panukala ni Angara sa susunod na taon.
Ayon kay Lacierda, pag-aaralan sa susunod na taon, hindi lamang ang income tax rates kundi maging ang buong Tax Reform Act of 1997, at ito rin ang naging pahayag ni Revenue Commissioner Kim Henares.
Kailangan anilang dumaan sa komprehensibong pag-aaral ang nasabing panukalang batas dahil kailangang balansehin ang interes ng lahat ng sektor.
(LAYANA OROZCO)