DINALA na sa Dolores municipal police station ang limang nasagip mula sa Mt. Banahaw upang sampahan ng kaukulang kaso bunsod ng naganap na sunog sa nabanggit na bundok.
Habang pinaghahanap pa rin ng search and rescue teams ang anim pang kasamahan.
Kaugnay nito, dalawang grupo ang nakatakdang umakyat sa nasunog na bahagi ng Mt. Banahaw.
Ayon kay Ernesto Amores, pinuno ng Municipal Agriculture Office sa bayan ng Sariaya, Quezon, ang unang grupo ay planong magsagawa ng assessment sa kabuuang pinsalang iniwan ng grassfire.
Habang pangalawang grupo ay muling maghahanap sa anim pang nawawalang mga mananampalataya na umakyat sa naturang bundok.
Sa inisyal na taya ng naturang opisina, nasa 50 ektarya ng mga cogon grass ang napinsala ng sunog.
Laking tuwa ng miyembro ng mga ahensiya na nagtulong-tulong na apulahin ang sunog nang bumuhos ang ulan dakong mada-ling araw kahapon dahil malaking tulong upang tulu-yan nang maapula ang apoy.
Nabatid na umabot sa 19 oras bago napahinto ang pagkalat ng apoy sa bundok.
(BETH JULIAN)