LUCENA – Nasunog ang Mount Banahaw sa Sariaya, Quezon, at 20 katao ang pinaniniwalaang na-trap sa bundok.
Ayon sa Quezon Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC), may nakarating na ulat sa kanilang tanggapan na isang sekta ang umakyat sa bundok na maaaring nagsindi ng kandila at posibleng ito ang pinagmulan ng apoy.
“Hindi natin matiyak hangga’t walang datos na natatanggap pero worst case scenario ay posibleng may na-trap at pinaghahandaan iyan,” pahayag ni Ernesto Amores, Jr., head ng Sariaya Municipal Disaster Risk Reduction and Management Council.
Ang erya na nasunog ay tinaguriang “Durungawan.” Ito ay natatakpan ng mga damo at punongkahoy.
Kahapon, tinayang 30 ektarya na ng bundok ang nilamon ng apoy.
Kaugnay nito, inaprubahan na ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang pag-deploy ng tatlong helicopter para tumulong sa pag-apula sa apoy, at pagtataya sa lawak ng pinsala.
Kumilos na rin ang rescue team sa paghahanap sa 20 katao na posibleng na-trap sa sunog.
(RAFFY SARNATE/BETH JULIAN)