Inihahanda na ng broadcaster at news anchor na si Erwin Tulfo ang pagsasampa ng kasong libelo laban sa Philippine Daily Inquirer, partikular na sa reporter nitong si Nancy Carvajal, at dalawang opisyal ng National Agri Business Corp. (NABCOR) dahil sa pagsasangkot sa kanya sa P10 billion PDAF scam.
Sa isang news article kahapon (Miyerkoles), March 19, na isinulat ni Carvajal, sinabi niya na tumanggap ng suhol si Tulfo sa pamamagitan ng isang tseke na nagkakalaga ng P249, 000.
Nakasaad sa nasabing artikulo na ang suhol ay pinalabas na “advertisement payment,” ayon sa mga dating NABCOR officials na sina Rhodora Mendoza at Vic Cacal.
Ang nasabing tseke umano na may petsang March 2009 ay na-encash sa UCPB bank sa Ortigas.
Pero ayon kay Atty. Nelson Borja, abogado ni Tulfo, kung meron mang tseke, tiyak na bayad sa commercial placement o advertisement ng DA o NABCOR sa DZXL na dating kompanyang pinapasukan ni Tulfo bilang radio anchor.
“Suportado ‘yan ng mga dokumento tulad ng BIR forms na kinaltasan ng buwis kaya malinaw na bayad sa commercial ‘yan at hindi suhol ng NABCOR,” paliwanag ni Borja.
“Medyo na-sensationalize ‘yung istorya kaya naging iresponsible journalism,” dagdag ng abogado.
Aniya, sana ay nagkusa ang reporter na si Carvajal na i-check muna sa DZXL kung nagpa-commercial nga ang NABCOR o hindi.
“Ang malupit, sinabi niya na suhol ito pero pinalabas lamang na bayad sa advertisement ang tseke”, dagdag pa ng abogado.
Hawak na umano ng abogado ang mga dokumento bilang paghahanda sa isasampang demanda laban kay Carvajal, Mendoza, at Cacal, at ilan pang mga opisyales ng Inquirer ngayong linggo.
Iginiit ng abogado na malisyoso ang artikulo ng PDI dahil wala silang basehan na suhol nga ito.
Aniya pa, nasa media rin naman ang kanyang kliyente kaya’t batid nito ang kalakaran at kung babawiin lang nina Carvajal ang dagdag-kwento o inimbentong istorya at hihingi ng paumanhin ay maaaring hindi na nila ituloy pa ang kaso.
Nagtataka ang kampo ni Tulfo kung bakit nasabi ni Mendoza na suhol yung tseke gayong may commercial nga ang DA na lumabas sa naturang radyo ng mga panahong ‘yon at suportado ng mga dokumento.