MALAKI raw ang posibilidad na magsanib muli ang Liberal Party ni PNoy at Nacionalista Party ni dating senador Manny Villar.
Ito ngayon ang tinitingnang scenario ng mga political analyst sa bansa dahil posibleng mabuo ang tambalang Mar Roxas at Allan Cayetano.
Sa itinatakbo raw ng pag-uusap mukhang interesado ang grupo ni Roxas at Cayetano na magsama dahil ang kani-kanilang partido ang may hawak ng may pinakamaraming posisyon ngayon sa gobyerno.
Maging sa Kamara ay 3 ang NP sa may pinakamaraming miyembro kaya’t iba pa rin ang bigat ng partido ni Villar kapag ito ang pinag-uusapan.
Sa parte naman daw ni Cayetano ay mukhang interesado raw sa nasabing tambalan dahil ang totoo naman daw target ng mambabatas mula sa Taguig ay ang pagka-pangalawang pangulo ng bansa at hindi ang panguluhan.
Malinaw kasi sa pag-aaral ni Cayetano na mas malaki ang tsansa niyang manalo na bise kaysa pangulo dahil medyo mahihina ang maglalaban-laban dito.
Sa maikling salita, lamang ang tsamba o panalo ni Mang Alan kapag bise presidente ang kanyang tinarget at diyan nakatuon ngayon ang kanilang kampanya.
Hindi rin pahuhuli ang LP sa NP dahil alam naman ng lahat na marami ang bumalimbing o lumipat sa partido ni PNoy kung kaya’t ito na ngayon ang naghaharing lapian sa bansa matapos bumagsak ang partdong Lakas ni Gloria Arroyo.
Bukod pa rito ang endorso ni PNoy kaya’t tiyak na may kahahantungan ang tambalang Roxas-Cayetano dahil kapag sila ang itinaas ng pangulo ng bansa ay tiyak na angat na sila sa manda.
Marami pang tiyak na mangyayari sa bansa bago ang 2016 pero tiyak na itong tambalang Roxas- Cayetano ay masasabi nating team to beat dahil parehong may asim pa ang kanilang partido.
Alvin Feliciano