INIUTOS ng Department of Justice ang pagsasampa ng kasong homicide laban sa walong miyembro ng Philippine Coast Guard kaugnay ng madugong Balintang Channel incident noong Mayo 9, 2013.
Nabatid na namatay sa insidente ang isang Taiwanese fisherman na si Hong Shi Cheng nang barilin ng mga tauhan ng PCG lulan ng MCS-3001 patrol boat ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR).
Sa 79-pahinang resolusyon na aprubado ni Prosecutor General Claro Arellano, kasama sa pinasasampahan ng kasong homicide ay sina Commanding Officer Arnold Enriquez dela Cruz; Seaman 1st Class Edrando Quiapo Aguila; Seaman 1st Class Mhelvin Aguilar Bendo II; Seaman 1st Class Andy Gibb Ronario Golfo; Seaman 1st Class Sunny Galang Masangcag; Seaman 1st Class Henry Baco Solomon; Seaman 2nd Class Nicky Renold Aurelio at Petty Officer 2 Richard Fernandez Corpuz.
Samantala, pinasasampahan din ng kasong obstruction of justice sina Dela Cruz at Bendo dahil sa pagsusumite ng palsipikadong Gunner Report.
Habang ibinasura ang kasong obstruction of justice laban kina Dela Cruz, Lt. Junior Grade Martin Larin Bernabe, SN1 Ramirez at Bendo, ito ay may kinalaman sinasabing pagbura ng ilang video clips mula sa SD cards at compact discs na kanilang isinumite sa NBI, makaraan makombinsi ang panel of prosecutors sa kanilang paliwanag.
Ang kasong homicide ay ihahain sa Regional Trial Court sa Batanes habang ang obstruction of justice ay ihahain sa Municipal Trial Court ng Cagayan. (HNT)