TACLOBAN CITY – Kitang-kita sa video at pictures ang pagtapon at pagsunog ng walong truck na relief goods sa dump site sa bayan ng Palompon, Leyte noong Marso 8.
Ayon sa may-ari ng lote na kinalalagyan ng Eco Park na si Benjamin Campos, nakita niya mismo ang pagtapon ng sako-sakong relief goods na kinunan pa niya ng video at pictures.
Ayon kay Campos, nakita niya ang pagdating ng mga truck na may kargang sako na may nakasulat na “40” ngunit hindi niya makompirma kung ito ay tumutukoy sa kilo ng bigas o food packs dahil hindi na siya nakapasok sa dump site dahil pinagbawalan pumasok ang sino man.
Ang ipinagtataka ng nasabing saksi ay hindi niya kilala ang gwardya na pumigil sa kanya at sa mga basurerong nakapasok sa dump site.
Wala rin siyang kilala ni isa sa mga sakay ng truck na naghakot ng nasabing relief goods sa kanilang lugar.
Hindi ito ang unang pagkakataon na may mga naiulat na pagsasayang ng relief goods sa rehiyon.
Kung matatandaan, naibalita rin ang pagtapon ng relief goods sa dagat sa bayan ng Biliran, Biliran at ang pagbaon ng relief goods sa bayan ng Palo, Leyte na pinaiimbestigahan na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
HATAW News Team