Pinaiimbestigahan ni Justice Secretary Leila de Lima ang dalawang insidente ng pananaksak sa loob ng New Bilibid Prisons (NBP) na nagresulta sa pagkamatay ng isang inmate at pagkasugat ng isa pa, iniulat kahapon ng umaga.
Ayon kay De Lima, pupulungin niya bukas, ang mga opisyal ng NBP at Bureau of Corrections, pagkatapos ng graduation rites ng bagong batch ng mga prison guards.
Ani de Lima, aalamin niya kung paano nakapuslit sa loob ng Bilibid compound ang mga patalim gayong dapat ay mahigpit ang seguridad na ipinatutupad sa nasabing pasilidad.
Bagamat maituturing nang perennial incident o hindi na bago ang ganitong insidente sa loob ng Bilibid, nais malinawan ni De Lima ang dahilan at ugat ng pananaksak.
Samantala, ayon kay NBP Supt. Fajardo Lansangan, inaalam pa nila kung magkaugnay ang dalawang insidente ng pananaksak.
Sa unang insidente ng pananaksak, nangyari dakong 8:15 ng umaga, nasugatan si Nolfi Ladiao nang sugurin ng Sputnik Gang member na si Enrico de Asis habang naglalaro ng volleyball.
Sa ikalawang insidente, napatay ang Sputnik Gang member na si George Almo, nang saksakin ng isang hindi pa kilalang suspek habang papuntang chapel ng Iglesia ni Cristo sa loob NBP ang biktima. (LEONARD BASILIO/
JAJA GARCIA)