BAGUIO CITY – Kinompirma ng Philippine Military Academy (PMA) ang pag-alis sa akademiya ni ex-cadet Jeff Aldrin Cudia.
Sinabi ni PMA spokesperson Major Agnes Lynette Flores, pasado 10 p.m. kamakalawa nang umalis ang kontrobersyal na kadete kasama ang kanyang mga magulang at abogado.
Iginiit ni Major Flores na dumaan sa tamang proseso ang pagkakatanggal sa PMA ni Cudia at nabigyan din aniya ng clearance na maaaring gamitin sa pagpasok sa ibang paaralan ng dating kadete.
Aniya pa, kinausap nila si Cudia at pinayuhan nilang gamitin ang mga natutunan sa loob ng akademya sa bago niyang karera.
Kaugnay nito, nilinaw ng opisyal na wala nang koneksyon sa PMA si Cudia dahil paglabas aniya ng akademya ay naging pribado na ang kanyang buhay.
Matatandaan, pinili ni Cudia na manatili muna sa loob ng akademya habang hinihintay ang desisyon ni Pangulong Benigno Aquino III hinggil sa hinaharap niyang kaso sa paglabag sa honor code ng PMA.
(KARLA OROZCO)
DIPLOMA IBIGAY PERO OUT NA SA MILITAR
MINUNGKAHI ni Pangasinan Rep. Leopoldo Bataoil na payagan ng Philippine Military Academy (PMA) na mabigyan ng diploma at makapagtapos ang kadeteng si Jeff Cudia kahit hindi na siya nakahabol sa graduation rites kamakalawa.
Ngunit ayon kay Bataoil, dapat ay hindi na ikomisyon sa sandatahang lakas si Cudia matapos labagin ang honor code.
Sinabi ni Bataoil, nagtapos din sa PMA at dating opisyal ng Philippine National Police (PNP), ito ang pwedeng maging compromise sa kaso ni Cudia.
Paliwanag ng kongresista, kung hahayaan ang kadete na makuha ang kanyang diploma ay hindi masasayang ang apat na taon niyang pinaghirapan sa akademya at makapagsisimula agad ng career kahit hindi na sa militar.
Sa compromise na ito, mapaninindigan din aniya ang pagpapahalaga sa honor code na bahagi ng time honored tradition sa PMA at talagang inirerespeto ng mga kadete.
Ayon kay Bataoil, ang honor code ay napakahalaga para sa mga kadete dahil ito ay sukatan nang tatag ng karakter at pundasyon ng kanilang tibay laban sa ano mang uri ng tukso.