ILOILO CITY – Naunsyami ang oathtaking ceremony ng newly licensed pharmacists na gaganapin sana sa lungsod ng Iloilo kamakalawa ng gabi.
Ito ay sinasabing dahil hindi sinunod ang tamang dress code.
Ayon kay Director Lily Ann Baldago ng Professional Regulation Commission (PRC) Region 6, 10 minuto bago ang seremonya, dumating siya upang pangunahan ang aktibidad.
Ngunit nadesmaya ang director nang makitang ilan sa mga manunumpa ay nakasuot nang maikling damit, sobrang hapit sa katawan at lumalabas ang cleavage, at naka-sleeveless pa ang iba.
Aniya, ayaw niyang konsintihin ang hindi pagsunod ng mga pharmacist sa simpleng patakaran ng mga professional kaya’t hindi itinuloy ang seremonya at umalis siya bago pa man ito simulan.
Nilinaw ng director na maaaring mag-request ang grupo ng ibang petsa para sa oathtaking ceremony at umaasa na susundin na ng mga manunumpa ang tamang dress code. (HNT)