IBINIDA ni Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III ang tungkol sa 63,000 rifles na inaasahang matatanggap ng mga miyembro ng Armed Forces of the Philippines (AFP) upang makasabay sa modernisasyon.
Bahagi ito ng pahayag ng Pangulo sa kanyang commencement address sa graduation rites ng Philippine Military Academy (PMA) Siklab Diwa Class of 2014 na ginanap sa Baguio City kahapon ng umaga.
Ayon kay Pangulong Aquino, mapakikinabangan na rin ng mga kawal ang mga modernong barko, walong combat utility helicopters, tatlong navy choppers at iba pang makabagong sasakyan.
Kabilang ang Siklab Diwa Class of 2014 sa mga mabibigyan ng bagong rifles.
Kasado na rin ang pagbili ng 12 lead-in fighter trailer aircraft para sa territorial defense operations.
Target pa ng gobyerno na magkaroon ng karagdagang walong combat utility helicopters na gagamitin para sa search and rescue and disaster relief mission sa taon 2016.
Sinabi pa ni Pangulong Aquino, magsisimula na rin ang bidding upang magkaroon ang bansa ng dalawang twin engine anti-submarine helicopters.
Binanggit din ng pangulo ang isinusulong ng gobyerno na programang pabahay at sa ngayon ay mayroon nang 54,449 abot kayang tahanan para sa mga miyembro ng unipormadong hanay.
Kasabay nito, inihayag ng Pangulo na umuusad na ang programang pangkabuhayan para sa mga aktibo at retiradong sundalo ng bansa.