ni Nonie V. Nicasio
HINDI nakapagtataka kung humataw agad sa ratings ang teleseryeng Ikaw Lamang kahit hindi pa sumusulpot ang mga bida ritong sina Coco Martin, Kim Chiu, Julia Montes, at Jake Cuenca. Bukod kasi sa maganda talaga ang istorya ng Ikaw Lamang, nakakabilib ang laki ng scope nito dahil era ng 60’s at 70’s ang napapanood dito. Bukod sa star-studded, halatang ginastusan din ito at binusisi ang pagkaka-direk.
Actually, sa simula lang napanood nang sandali si Coco at sumunod na ipinakita na rito ay noong maliliit pa ang apat na main characters dito. At ito nga ang sa palagay namin ay isa pang factor kung bakit patok na patok ang Ikaw Lamang at hindi mabitiwan ng viewers, dahil ang gagaling ng mga artista rito!
Sadyang hindi matatawaran ang galing ng mga ipinakita rito nina Tirso Cruz III, Cherry Pie Picache, at Ronaldo Valdez. Of course, expected din na magpapakita ng husay si Angel Aquino rito, hindi pa lang niya moment kumbaga, pero isa rin si Angel sa hinahangaan naming aktres.
Pero ang talagang napabilib ako nang husto so far ay ang mga batang cast dito. Nakapa-impressive kasi ng ipinakita rito nina Zaijian Jaranilla, Xyriel Manabat at ‘yung dalawang batang gumaganap na Kim Chiu at Jake Cuenca respectively na nakalimutan ko ang mga pangalan. Ang gagaling ng mga batang ito, subok na ang husay nina Zaijian at Xyriel, pero ‘yung dalawang bata, lalo na ang batang Jake Cuenca ay very impressive sa eksena niya kay Tirso nang sabihin niya ang kinikilalang ama na, “Kung ayaw mo sa akin, ayaw ko rin sa iyo,’ or something to that effect. Nakakatuwa ang mga batang ito dahil sa kanilang galing sa pag-arte.
Kaya hindi nakapagtataka kung ang Ikaw Lamang ay panalo na sa ratings, nag-trending pa sa Twitter. Sa Kantar Media (March 10), pinataob ng Ikaw Lamang ang katapat nitong programa sa GMA na Carmela. Ang teleserye nina Coco at Kim ay nakakuha ng 27.4% na national TV rating o halos 12 puntos na lamang kompara sa 16.1% ng Carmela. Pati sa social networking sites tulad ng Twitter ay naging numero unong worldwide trending topic ang hashtag na #IkawLamangGrandPilot.
Noong March 11, ang ratings ay: Ikaw Lamang (26.9%) Carmela (15.7%) at noong March 12 naman, Ikaw Lamang, 26.5 % at ang katapat nito sa Siyete ay 18.1%.
Sa nakita kong ratings naman noong Huwebes, nag-number-2 ang Ikaw Lamang sa Top 20 shows sa National TV Ratings (Urban at Rural), after Honesto na siyang numero uno pa rin hanggang sa nagtapos ito last Friday. Nakakuha ng 30.6 % rating ang Ikaw Lamang, samantalang ang katapat nito ay 16.8 % lamang.
Interesting din sundan ang pag-develop sa karakter ni Coco rito na mahihinuha mo-base sa mga tinginan nina Cherry Pie at Tirso at sa itinatagong kirot sa damdamin ng huli, na may nakaraan silang dalawa. Hindi ako magtataka kung sa bandang kalagitnaan ng teleseryeng ito ng ABS CBN ay lalabas na si Coco ay anak pala ni Mayor (Tirso).
Anyway, sa pagkaka-alam ko, ngayong Lunes ay lalabas na ang big guns ‘ika nga ng teleseryeng Ikaw Lamang na sina Coco, Kim, Julia, at Jake. Kaya mas lalong tututukan ito ng maraming viewers. Kaya sure ako na ang serye nina Coco, Kim, Julia at Jake ay mas lalong pakakainin ng alikabok ang katapat nito sa GMA 7.
Andrea Brillantes, nagningning ang career sa Annaliza
ISA pang young star na may angking talento sa acting ay ang bida ng Annaliza na si Andrea Brillantes. Saksi kami nang dumugin ng fans ang young star nang manalo siya ng acting award last year sa Star Awards ng PMPC.
Ang tawag nga sa kanya ng marami ay Annaliza at hindi Andrea, patunay lang na click na click ang drama series nilang ito.
Nagsimulang umere ang Annaliza noong Mayo 2013 at tumakbo ng halos apat na seasons. Apat na programa rin ang pinataob nito sa kalabang network pagdating sa national TV ratings. Pumalo ito sa pinakamataas nitong rating na 27.8% noong February 12 at pumasok din sa top three na pinaka-pinapanood na programa sa buong bansa base sa Kantar Media.
Sa nalalapit nitong pagtatapos, pakatutukan ang huling laban ni Annaliza at ng kanyang pamilya dahil matitikman na nila ang rurok ng galit nina Makoy (Carlo Aquino) at Stella (Kaye Abad) matapos mamatay ang kanilang anak. Paano lalampasan ni Annaliza ang huling hamong ito? Abangan!