ni Danny Vibas
OKEY lang na parang ‘di na gagawing bida sa mga teleserye si Cherie Gil. After all, bidang-bida siya sa entablado.
Kamangha-mangha siya sa Full Gallop, isang one-woman stage play sa Carlos P. Romulo Theater sa RCBC Plaza sa Ayala Avenue, Makati. Ginagampanan n’ya ang nakatutuwang malditang lola na si Diana Vreeland, dating editor-in-chief ng world-famous fashion magazine na Vogue. Parang walang aktres ngayon sa mga teleserye na makagagawa ng ginawa n’ya. (Okey, baka kaya rin ito nina Pinky Amador at Eula Valdez. Baka! So they should give it a try.)
Kahit nag-iisa lang siya sa entablado, walang boring moments ang pagtatanghal. Ganoon kagaling si Cherie at ganoon kahusay ang pagkakadirehe sa kanya ng walang-takot na aktor-direktor na si Bart Guingona. (Siya ang nag-suggest kay Cherie 10 years ago na gawin ang Full Gallop.) Buhay na buhay ang bawat bitaw n’ya ng linya. Maski na ‘yung nagdaramdam, insecure na insecure.
Ingles ang pagtatanghal pero pangmasang Ingles. At masasabing pangmasa rin ang presyo ng tickets, P600 lang sa balcony, P1000 sa orchestra, P1500.00 sa orchestra center.
As of now, limang performances lang ang iniskedyul ni Cherie bilang prodyuser na rin ng show. Hanggang weekend ng March 23 lang ito. Sana nga, dagdagan n’ya ang iskedyul.
Noong press night ng March 13 kami nanood. Punompuno ang teatro. Kasali kasi sa press night ang mga kamag-anak, kaibigan, at mangingibig ng staff, sponsors, artista. Pero hindi lahat ng press nights ng theater productions ay napupuno. May press nights na halos iniisnab.
Tumawag sa 891-9999 (Ticketworld) para sa ticket availability. Sugod na. Pagtawanan ang lolang maldita na hindi mandurugas, hindi pokpok, hindi nagbabanalan—pero kakaiba ang pagiging liberated at lukaret! Kakaiba ang talino at lakas ng loob. Kung makakapili kayo ng lola, isang gaya ni Diana Vreeland ang piliin n’yo!