ni Ed de Leon
NATANGGAP namin ang official statement ng Philippine Movie Press Club sa pamamagitan ng isang e-mail, tungkol sa tinawag nilang “malisyosong akusasyon na kumalat sa social media” pagkatapos ng kanilang awards night noong isang gabi.
Linawin muna natin, hindi kinukuwestiyon ang iba pang nanalo sa Star Awards, maliban sa best actor category na inakusahan ni Joebert Sucaldito na nagkaroon ng bilihan ng boto, at inamin niyang siya mismo ay “nag-lobby” ibig sabihin may monetary considerations dahil sinasabi pa niyang “nangutang ako sa mga kaibigan ko para makalaban”, at nakuha niya ang 22 voting members ng body.
Inakusahan din niya ang isang miyembro ng PMPC na si Francis Simeon na siya namang “nag-lobby” para sa nanalong best actor na si Vice Ganda.
Ang sinabi lang ng PMPC sa kanilang statement ay pinaninindigan nilang tama, at walang kuwestiyon sa kanilang desisyon sa best actor category. Hindi na nila sinagot kung ano man ang iba pang akusasyon na ibinato sa kanila. Makikita mo na gusto lang nilang tapusin ang issue sa lalong madaling panahon, after all ang iniisip nga siguro nila, isang category lang naman ang in question, at saka pinag-usapan lang iyan sa social media. Iilan lang naman ang nagbabasa ng mga kuwentong ganyan sa internet.
Kagaya nga ng sinabi namin, sila ang may-ari ng awards na iyan. Ano man ang gawin nila at kalabasan, basta walang umangal sa kanilang mga miyembro magagawa nila. Kahit na ideklara pa nilang best actor si Kuhol ok lang. Walang question sa ganoon. Sabi nga namin walang legal question diyan sa nangyaring iyan. Pero kung nasagot man ng kanilang statement ang legal question sa pamamagitan ng pagsasabing pinaninindigan nila ang kanilang desisyon, at lahat ng kanilang mga miyembro ay walang tutol sa kinalabasan ng kanilang awards, nanatili namang nakatiwangwang at hindi nila sinagot ang “moral question”.
Karapatan din nila iyon. Hindi mo mapipilit ang isang tao, o ang isang samahan na sagutin ang isang tanong kung inaakala niyang ang kanyang isasagot ay hindi makabubuti sa kanya.
Pero sayang. Iyan sana ay isang pagkakataon para malinis nang husto ang kanilang pangalan at matigil na iyang mga tsismis ng lagayan at bentahan ng awards na matagal nang pinag-uusapan, hindi lang naman ngayon.