ni Ed de Leon
SINO nga ba ang susunod na magbibigay ng awards? Ano naman kaya ang magiging issue sa kasunod na award na ibibigay para sa taong ito?
Lahat na lang tuloy ng mga awards napagdududahan, kasi iyang lagayan na iyan at bilihan ng awards, nagsimula iyan noong araw pa. Magugulat kayo ha, kasi panahon pa ng mga tatay niya may bumibili na ng awards. Panahon pa ng mga nanang natin may gumagawa na ng ganyan, at ni minsan wala kang narinig na award giving body na nagtanggal ng mga miyembro nilang sangkot sa anomalya. Minsan may nagtangka, ang nangyari tumaob pa ang presidente at pagkatapos ng kanyang termino, nakabalik na ang mga hampaslupang nagbebenta ng awards.
Sorry to say, lahat naman halos ng awards ganyan ang kuwento eh. Hindi man diretsahang bentahan ng awards, may makikita kang koneksiyon doon sa mga hurado at mga napipiling manalo.
Pinakamaganda ang ginawa ng Oscars. Pinalawak nila ang membership ng kung ilang libong miyembro, hindi na nga naman mabili ang boto. Sino ba ang bibili ng boto ng ganoon karaming miyembro. Pero iyong awards na iilan lamang ang miyembro, talagang mabilis ang corruption.