NAKATUTOK ang mga batang woodpushers sa torneo sa Macau kaya bilang paghahanda ay magkakaroon muna ng pilian ang mga grand finalists na bibira sa 2014 National Age-Group Chess Championships sa pagsulong ng Mindanao Leg sa Marso 21-23 sa NCCC Mall sa Davao City.
Ang top two finishers sa Mindanao sa mga kategoryang boys at girls under-20, 18, 16, 14, 12, 10 at 8, ayon kay National Chess Federation (NCFP) executive director Grandmaster Jayson Gonzales ang mga kakaribal sa seeded at qualified players sa Grand Finals para naman maglabu-labo sa puwesto sa national team sa 15th ASEAN+ Age Group Chess Championships sa darating na Hunyo 3-12 sa nasabing bansa.
Depende sa dami ng mga kalahok kung lima o anim ang magiging yugto ng tatlong araw na kumpetisyon sa ilalim ng sistemang Swiss kung saan ay may nakalaan na cash prizes, trophies at medals para sa mga winners.
Inaasahang babanat sa nasabing event sina reigning Batang Pinoy girls champion Ella Grace Moulic ng Holy Cross of Davao College at John Marvin Miciano ng De La Salle University, Balbona brothers ng Cebu City na sina Felix Shaun, 16, John Francis, 15, at James Andrew, 13, ng University of San Carlos-Basic Education Department (USC-BED) chess team, at San Diego sisters na sina Woman FIDE Master Marie Antoinette at Jerlyn Mae ng Cavite.
(ARABELA PRINCESS DAWA)