HINAMON ni Interior and Local Government Sec. Mar Roxas si Vice-President Jejomar Binay na pangalanan ang sinasabing “influential person” na nagtangkang harangin ang pag-aresto ng mga awtoridad sa negosyanteng si Delfin Lee.
Kaugnay nito, muling iginiit ng kalihim na nanatili pa rin sa “wanted persons’ list” ng Philippine National Police si Lee na nahaharap sa P7-billion syndicated estafa case.
Dagdag pa ni Roxas, unfair ang mga paratang ni Binay kung hindi niya papangalanan ang tinutukoy na impormasyon, lalo’t nagdudulot lamang ito ng intriga.
“I think the most responsible thing for the Vice-President to say is to actually say who tried to prevent the arrest other than just simply giving, general, nameless, faceless, attributable-less information, which just sows intrigue and innuendo,” ayon sa kalihim.
KASABWAT HUHUBARAN NG MASKARA
APRUB sa Palasyo na hubaran ng maskara ng Kongreso ang iba pang kasabwat ng negosyanteng si Delfin Lee sa P7 bilyong housing scam.
Ayon kay Communications Secretary Herminio Coloma Jr., inaasahan ng Malacañang na magiging susi ang House inquiry upang matuklasan ang mga anomalya sa pagpapautang ng bilyon-bilyong pondo ng Pag-Ibig funds.
Aniya, dapat matukoy at mapanagot ang mga opisyal, batay sa makakalap na mga ebidensiya.
Una nang sinabi ng Palasyo na walang sasantuhin ang administrasyong Aquino kahit pa alyado nila ang masasangkot sa anomalya, ngunit agad inabswelto ni Pangulong Benigno Aquino III si Mindoro Oriental Gov. at Liberal Party secretary Alfonso Umali nang tawagan si PNP chief Director General Alan Purisima matapos arestuhin ng pulisya si Lee.
(ROSE NOVENARIO)