DAHIL may kanya-kanyang ‘BAON’ ang mga naglamyerdang opisyal ng Pasay City sa Hong Kong, naisipan daw sumalikwat ng ‘APAT NA SIKAT’ na Konsuhol na binansagand SM boys sa Macau.
From Hong Kong ay pwede silang mag-ferry at wala pang isang oras ‘e nasa Macau na sila.
At ‘yun na nga, mukhang hanggang Macau ‘e kating-kati ang mga palad ng ‘APAT NA KONSUHOL’ kaya lumarga sa Casino.
Lalo na raw ‘yung isang Konsehal na puro Bible verse ang maririnig mo pero sugapa sa slot machine.
Heto ngayon ang nakaiiyak … saglit lang lumipad ang P8 milyon (tig-P2 milyon) na nalagas sa ‘apat na konsuhol este konsehal.
Muntik pa yatang maubusan ng pasahe sa ferry ang apat dahil kahit biscochong Macau ‘e hindi man lang nakapag-uwi ang mga kamote.
Susukot-sukot daw na nagkanya-kanyang upo sa ferry ang ‘apat na kamote.’
In short, bumalik sila sa Hong Kong na ‘hurot’ ang kwarta sa bulsa (as if naman na sariling kwarta nila ang ginasta).
Pero may nakapagsuhestiyon sa apat na kamote na puntahan nila sa HOTEL ang kanilang amo, padrino at financier.
In short, tila mga miron na nag-aabang ng subasta ang apat na kamote, na inabangan sa LOBBY ng HOTEL ang mataas na opisyal ng Pasay City, o kung hindi man ‘e ‘yung mga taga-bids and awards o sino man sa mga contractor & supplier.
Mas maswerte raw kapag ‘yung ‘BAGMAN’ ang kanilang matiyempohan.
Ang siste, mukhang nakatunog ang mga inaabangan ng apat na kamote kaya nag-‘NO SHOW’ sila.
Hindi nagpakita ‘yung mataas na opisyal, ‘yung mga taga-bids and awards, contractor and suppliers, lalo na ‘yung bagman na si Lan Chiaw Bing.
Kaya lalong nagkalukot-lukot ang mukha ng apat na konsuhol na sumalikwat sa Macau pero na-olat sa Casino.
Tsk tsk tsk …
Ngayon isang tanong, isang sagot lang para sa apat na sikat pero nangamote sa Macau, ‘yan bang IPINATALO ninyo sa Macau ay bahagi pa rin ba ng ‘GOODWILL MONEY’ na naihatag sa inyo para sa isang kontrobersiyal na project sa Pasay City?!
Ang KARMA nga naman … hindi ba’t may kasabihan … ang perang hindi pinaghirapan lalo na kung may mga ‘nabukulan’ kadalasan ay nabubuslot sa kawalan.
Bow!!!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0915.804.76.30 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com