ni Danny Vibas
MATINDI rin naman pala ang civic consciousness ni Anne Curtis. Nag-donate pala siya ng dalawang classrooms para sa gradeschool sa Gen. Manuel Roxas Elementary School sa Roxas District, Quezon City.
Public school ‘yon, hindi private. Kamakailan lang ‘yon pinasiyaan at may nakapagbalita sa amin na pumunta si Anne mismo sa inauguration ng project na ‘yon. Actually, co-donor n’ya ang isang local mobile phone brand na siya ang endorser.
Matindi rin kasi ang pangarap ni Anne na maging gradeschool teacher, kaya malaki ang malasakit n’ya sa mga bata. Balitang nagtitiyaga siyang magtapos ng isang Teaching course by correspondence sa isang educational establishment sa Australia.
Parang may kaunting plugging ng teleserye n’yang Dyesebel sa external walls ng classrooms. Ayon sa isang kaibigan namin na may anak na nag-aaral sa elementary school na ‘yon, may paintings sa dingding ng mga babaeng serena na naglalaro ng tablet, may hawak na cellphone, at gumagawa ng kung ano-ano pa. ‘Di naman daw malaswa ang pagkakapinta ng mga serena kaya pinayagan ng school authorities.
Samantala, sikat na rin pala talaga ang boyfriend n’yang French-Filipino na si Erwan Heussaf na isang chef-restaurateur. Naging cover boy siya very recently ng Sunday magazine supplement ng isang sikat na broadsheet.
Naipagtapat ni Erwan, na kapatid ng sexy actress na si Solen Heussaf na minsan na siyang nabugbog ng ilang kalalakihan na sabay-sabay n’yang tinanggal sa trabaho sa isang maliit na kompanyang pinamahalaan n’ya.