“M AKE your nanay proud of who you are and the best in all you do,” ito ang natatanging mantra na gumagabay kay Boy Abunda noong binuo niya ang Make Your Nanay Proud (MYNP) Foundation mahigit isang taon na ang nakararaan.
Ayon kay Boy, ang idea ay galing sa pagnanais niyang maipagmalaki siya ng kanyang Nanay Lesing. “Ginagawa ko ang isang bagay na sa aking palagay ay naaayon sa kung ano ang magiging reaksiyon ng aking ina. At iyan ang palaging gumagabay sa akin hanggang sa kung ano man ang narating ko ngayon,” paliwanag niya.
Ang MYNP ay isang organisasyon na binuo bilang pagbibigay-pugay sa mga ina sa buong bansa.
Sa loob ng isang taong operasyon ng grupo ay nagpaabot na ito ng tulong pinansiyal para sa mga livelihood projects sa iba’t ibang lugar. Binisita at binigyan ng tulong ang mga kababaihang bilanggo sa ilang correctional facilities ng ating bansa, at pinuntahan ang ilang lugar upang magpatayo ng mga paaralan at silid paaralan. Nagbigay tulong din ang MYNP sa mga biktima ng bagyong Pablo at Yolanda na naghatid ng agarang relief goods sa Visayas at Mindanao.
Sinabi pa ni Boy, founder at chairman ng MYNP na, “Dahil lahat tayo ay anak ng ating ina. At noong tayo ay nasa sinapupunan pa ay nagkaroon agad tayo ng isang espesyal na ugnayan at pagmamahal sa ating ina bago pa natin nadama ang ibang pakikipag-ugnayan sa ating buhay.”
Kaugnay nito, naniniwala si Mike Sicat, presidente ng MYNP, na marami pa ang dapat gawin upang makamit ang layunin na maiangat ang kabuhayan ng bawat Pinoy. Pero kung tapat at buo sa puso ng bawat isa ang tumulong sa kapwa ay hindi imposibleng makamit ang mga pangarap na ito. “Naniniwala ako na sa pamamagitan ng ‘One mission, One vision and One direction’ ay maaabot natin ang tagumpay ngayong 2014 at sa mga susunod pang mga taon,” ani Mike.