ni Maricris Valdez Nicasio
MALAKAS talaga ang hatak nina Sharlene San Pedro at Jairus Aquino kaya hindi nakapagtatakang tinutukan din sila sa Wansapanataym na sila ang tampok dito.Idagdag pa si Francis Magundayao na marami ring follower. Kaya naman wagi sa TV ratings ang pagsisimula ng Wansapanataym nila na ukol sa pagkakaibigan at magkapatid.
Sa datos ng Kantar Media noong Sabado (Marso 1), pumangalawa sa listahan ng most watched weekend TV programs sa bansa ang pilot episode ng Wansapanataym Presents Si Lulu at Si Lily Liit taglay ang 30.7% na national TV rating, o mahigit doble ng nakuha ng katapat nitong programa sa GMA na Vampire Ang Daddy Ko (15%).
At sa pagpapatuloy ng Wansapanataym ngayong Sabado (Marso 8), mapapanood na sina Sharlene, Jairus, at Francis dahil magdadalaga na ang kambal na sina Lulu at Lily (kapwa gagampanan ni Sharlene) at magbibinata na ang magkapatid na sina Harvey (Jairus) at Adrian (Francis).
Mababago ba ang samahan ng kambal dahil sa pagseselos ni Lulu sa atensiyon na ibinibigay ng kanyang mga magulang kay Lily? Paano maaapektuhan ng kalagayan ni Lily ang pakikipagkaibigan ni Lulu kay Adrian at sa kanyang hinahangaan na si Harvey? Tuluyan na bang masisira ang relasyon ng magkapatid dahil sa sumpang ibinigay kay Lily?
Panoorin natin ngayong Sabado para malaman ang mga kasagutan. Tampok din dito sina Paul Salas, Assunta de Rossi, Ron Morales, John Lapus, Desiree del Valle, John Medina, JB Agustin, Vladimir Galang, at Kazumi Porquez. Ito ay sa ilalim ng panulat ni Noreen Capili at idinirehe ni Manny Palo.