AGAD inabswelto ni Department of Science and Technology (DoST) Secretary Mario Montejo si TESDA Director–General Manager Joel Villanueva hinggil sa isyu ng kontrobersyal na Priority Development Assistance Funds (PDAF) o kilala rin sa tawag na pork barrel scam matapos masangkot sa isyu dahil sa paglalagak ng pondo sa Technology Resource Center (TRC) noong siya ay kongresista pa lamang.
Ayon kay Montejo batay sa record o dokumento ng TRC, na-liquidate ni Villanueva ang kanyang PDAF na inilagak sa ahensya simula taon 2007 hanggang 2009.
Magugunitang idinawit ni dating TRC Chief Dennis Cunanan si Villanueva na noon ay CIBAC party-list representative, na kabilang sa mga kongresista na naglaan ng PDAF para sa non-government organization (NGOs) na nauugnay kay pork barrel queen Janet Lim-Napoles.
Sa affidavit na isinumite ni Cunanan sa Department of Justice (DoJ), umabot sa P3 milyon ang sinasabing inilaan ni Villanueva sa pamamagitan ng TRC sa mga NGO ni Napoles.
“Maaari naman i-validate ang aking pahayag sa Commission on Audit (COA) Special Report,” giit ni Montejo.
Ang TRC na dating pinamunuan ni Cunanan ay nasa ilalim ng pangangasiwa ng DOST at nang maglagak ng pondo si Villanueva sa naturang ahensya ay hindi pa si Cunanan ang namumuno at nag-aapruba ng mga proyekto.
Matatandaan, inihayag ng Malacanang na nanatili pa rin ang trust and confidence kay Villanueva ni Pangulong Benigno Simeon “Noynoy” Aquino III.
Kaugnay nito, sinabi ni Villanueva na bago pa tuluyang maglabasan ang mga testigo sa naturang kontrobersya ay agad siyang nakipag-ugnayan at nagpadala ng mga dokumento sa DoJ para malinis ang kanyang pangalan matapos ilabas ng COA ang kanilang special audit report hinggil sa maling paggamit ng pork barrel.
Binigyang-diin ni Villanueva na malinis ang kanyang pangalan at wala siyang ibinubulsa mula sa kaban ng bayan kahit na singkong duling.
Hindi naitago ni Villanueva ang agad niyang kagalakan at pasasalamat kay Montejo sa naging pahayag dahil sa patunay na naging maayos ang kanyang tanggapan sa paghawak at paglalaan ng kanyang PDAF o Pork barrel noong siya ay kongresista pa.
(NIÑO ACLAN)