EDUKASYON-EDUKASYON! Ito ang sigaw ng mga kabataang estudyante ng Gabriela Youth habang sumusugod sa Gate 4 ng Malacañang upang ipa-rating kay Pangulong Benigno Aquino III ang kanilang hinaing kaugnay sa pagtaas ng tuition fee. Agad silang itinulak ng mga pulis at mga miyembro Presidential Security Group (PSG) kaya nagkasakitan ang dalawnag panig. (BONG SON)
MARAMI ang nasugatan nang pwersahang buwagin ng mga tauhan ng Presidential Security Group (PSG) ang kilos-protesta ng mga militante sa Gate 4 ng Malacañang Palace kahapon ng umaga.
Dakong 10 am kahapon nang pwersahang buwagin ng PSG ang nagmamatigas na mga raliyista mula sa Gabriela youth group na nagtipon-tipon sa Gate 4 ng palasyo.
Tinuligsa ng grupo ang anila’y pagtalikod ni Pangulong Benigno Aquino III sa karapatan ng mga kabataan sa pag-aaral sa pamamagitan ng paglalaan ng gapatak na pondo sa sektor ng edukasyon.
Tatlong taon na rin anila ang nararanasang budget cut sa edukasyon kaya ipinaiiral ng ma-nagement ng mga paaralan ang iba’t ibang anti-students policies.
Bukod dito, binatikos din ng grupo ang anila’y adjustment ng gobyerno sa school calendar para lamang mapantayan ang ASEAN economic integration sa 2015.
Habang isinusulat ang balitang ito ay hindi pa tukoy kung ilan ang bilang ng mga raliyistang nasaktan sa insidente.
(LEONARD BASILIO)