ni Pilar Mateo
MATAGAL-TAGAL na na-miss ng kanyang mga tagahanga sa telebisyon ang komedyanang si Pokwang.
Kaya sa Sabado, March 1, 2014, tunghayan ang pagsalang niyang muli sa MMK (Maalaala Mo Kaya) sa katauhan niya bilang si Mely na sa kagustuhang huwag masira ang kanyangpamilya at ang mataas na pagtingin ng kanyang mga anak sa ama nila, ilang taon niyang itinago ang pagiging babaero nito at ang katayuan bilang isang lalaking nangangalunya. Na nagsikap na buhayin ang kanyang mga anak sa loob ng 15 taon sa pagbebenta ng arroz caldo sa palibot ng Bacolod.
Pero hanggang saan siya magbubulag-bulagan? Paano niya ito kakayanin?
Siguradong maraming babae ang makare-relate sa naging takbo ng buhay ni Aling Mely.
Makakasama ni Pokwang sa nasabing episode sina Emilio Garcia, Marco Gumabao, Lance Lucido, Beauty Gonzales, Althea Guanzon, Brian Poe Llamanzares, Celine Lim, Aaron Junatas, Abby Bautista, Jun Urbano, Jef Gaitan, Yda Yaneza, at Carla Guevara mula sa direkison ni Garry Fernando, script nina Mary Rose Colindres at Arah Jell Badayos at saliksik ni Michelle Joy Guerrero.
Sa opening ng isang comedy club namin nakausap recently si Pokwang. At sabi naman nito, naghihintay din siya uli ng isa pang maipagmamalaking proyekto sa pelikula.
“Kung wala naman akong gawa rito, blessed naman ako sa mga show abroad. Kaya nga ang laki ng pasalamat ko na isa ako sa pinagkakatiwalaan ng TFC sa mga proyekto nila. Kaya ang shows ko naman doon, maya’t maya rin. Kaya kung ano naman ‘yung shows na ginagawa namin dito, nadadala namin doon.”
Marami na ang nagsabi sa kanya na malamang na ang magiging kapalaran talaga niya eh, isang foreigner.
“Ayoko muna isipin. Kasi parang ‘pag pinagtutuunan ko ng pansin, parang lumalayo o lumalabo kundi man nawawala. Ang crush ko talaga si Mamu (Andrew de Real, na direktor ng shows niya here and abroad at may-ari ng Library-Metrowalk).”
Kaya naman pala kinikilig sa kanila ang anak ni Mamu na si Alyssa!