ISINUGOD sa Ospital ng Maynila ang 23-anyos lalaki, matapos manlaban at mabaril ng mga tauhan ng Manila Police District-PS 5, sa isinagawang buy-bust operation, sa San Andres Bukid, Maynila, kamakalawa ng gabi.
Inoobserbahan sa nasabing ospital ang biktimang si Meise Megan Cosca, alyas “Boy”, ng 1254 Gonzalo St.,San Andres, sanhi ng tama ng bala sa puwit.
Sa ulat ng pulisya, nagsagawa ng buy bust operation ang mga tauhan ng Station Anti Illegal Drugs-Special Operations Task Group (SAID-STOG) MPD-PS5 sa pangunguna ni SPOs1 Jeffrey delos Reyes at William Cristobal at nakuhanan umano ng 4 plastic sachet na hinihinalang shabu si Cosca.
Nakuhaan din ng 9-pulgadang patalim ang binata at marked money.
Sa panayam sa kaanak ng binata, bigla na lang umanong pumasok sa kanilang bahay ang pitong kalalakihan at tila may hinahanap.
Bunsod nito, nag-hysterical ang ina ng biktima kaya maging siya ay muntik na rin arestuhin kung saan pinagduduro pa siya sa mukha at pilit na tinataniman ng droga sa bulsa ng kaniyang short ngunit pumalag siya kaya ang kaniyang cellphone ang kinuha.
Kasunod nito, pinosasan ang kaniyang anak patalikod at biglang binaril sa puwit.
Dinala sa nasabing ospital ang binata habang dumiretso sa MPD headquarters ang pamilya ng biktima upang magreklamo sa tanggapan ng MPD-General Assignment Section (MPD-GAS).
(leonard basilio)