BINABATI namin ang ABS-CBN dahil sila ang pinaka-pinarangalang TV network sa ginanap sa katatapos na 49th Anvil Awards matapos mag-uwi ang Kapamilya Network ng pitong awards mula sa taunang parangal ng Public Relation Society of the Philippines (PRSP) na tinaguriang Oscars sa larangan ng public relations.
Unahin na natin ang pagkapanalo ng COMELEC Halalan App ng ABS-CBN Digital News Media, sa pakikipagtulungan sa Commission on Elections (COMELEC), na agarang nagbigay ng resulta ng halalan noong Mayo, personal na impormasyon ng mga botante, at maging lokasyon ng presinto ng botante gamit ang smartphones at tablets. Nakapagtala ang naturang app ng 6,720,051 page views sa Android at iOs noong May 2013.
Tumanggap din ng parangal ang ika-11 Buntis Congress ng DZMM Radyo Patrol 630 dahil sa patuloy nitong pangangalaga at pagsulong sa kapakanan ng mga buntis sa pamamagitan ng pagsasagawa ng seminars na nagtuturo sa kanila kung paano mapabubuti ang kanilang kalusugan pati na rin ng kanilang magiging sanggol.
At ito pa ang pinaka-nakatutuwa dahil nagwagi rin ng Anvil ang ABS-CBN Corporate Communications para sa 2012 Media Christmas Party na mahigit sa 200 miyembro ng entertainment press at bloggers ang nakisaya at nakaranas kung paano maging bahagi ng ilang program ng ABS-CBN tulad ng It’s Showtime, Kapamilya Deal or No Deal, at ang Christmas station ID ng network. (Kasama po kami rito sa isinagawang Kapamilya Deal or No Deal—ED)
Kinilala naman ang ABS-CBN Film Archives dahil sa matagumpay nitong pagre-restore o pagbuhay sa pelikulang Himala sa digital at pag-promote nito sa bagong henerasyon ng mga manonood.
Samantala, dalawa namang Anvil awards ang nakuha ng ABS-CBN Marketing para sa 2012 Christmas campaign ng ABS-CBN na Lumiliwanag ang Mundo sa Kwento ng Pasko na nagbahagi ng diwa ng Pasko sa bawat Filipino sa pamamagitan ng pagbebenta ng parol, Kwento ng Pasko stories sa TV Patrol, Kapamilya Simbang Gabi, Salamat Kapamilya gift cards, viewer promo, Kapamilya Gift Together, ABS-CBN Christmas Special, at ang inaabangang Christmas station ID.
Pinarangalan din ng sarili nitong Anvil award ang naturang Christmas station ID na likha ng ABS-CBN Creative Communications Management, dahil sa paghimok nito sa mga manonood na magsilbing liwanag sa buhay ng kapwa sa pamamagitan ng paggawa ng mga simpleng kabutihan.
Hindi naman nagpahuli ang ABS-CBN Lingkod Kapamilya Foundation Inc. na nanalo ng dalawang Anvils para sa pagbuo nito ng komunidad sa Calauan via Bayanijuan in Calauan at pagtulong sa mga biktima ng bagyong Pablo sa pamamagitan ngTyphoon Pablo Relief and Early Recovery Operations ng Sagip Kapamilya.
Bukod sa pagiging pinaka-pinarangalang TV network ng Anvil, ABS-CBN din ang nakakuha ng pinakamaraming Bronze Anvil kompara sa mga kalabang estasyon. Una nitong napanalunan ang Bronze Anvil noong 2007 para sa librong Kapitan na nagsalaysay ng buhay ni Eugenio Loez Jr., ang taong nagtatag sa ABS-CBN, at ikalawa naman noong 2011 para sa Guinness World Record-breaking fun run na 10.10.10. Run for Pasig River ng ABS-CBN Lingkod Kapamilya Foundation Inc.
Ang Anvil Awards ay taunang inoorganisa ng Public Relations Society of the Philippines (PRSP) para sa mga natatanging programa na nagpakita ng husay sa larangan ng public relations at business communications.