UMABOT sa P9 million ang inilaan ng Malacañang para sa dalawang araw na state visit ni Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III sa Malaysia.
Umalis kahapon si Pangulong Aquino kasama sina Foreign Affairs Secretary Albert Del Rosario, Finance Secretary Cesar Purisima, Trade Secretary Gregory Domingo, Cabinet Secretary Jose Rene Almendras, Presidential Adviser on the Peace Process Teresita Deles, Press Secretary Herminio Coloma, Presidential Management Staff Chief Julia Andrea Abad, Mindanao Development Authority Chairperson Luwalhati Antonino at Presidential Protocol Chief Celia Anna Feria.
Sinabi ni Executive Sec. Paquito Ochoa, kabilang sa popondohan ng P9 million ang transportation, hotel accommodation, pagkain, equipment at iba pang pangangailangan ni Pangulong Aquino at ng kanyang 57-member official delegation.
Dadalaw si Pangulong Aquino sa Kuala Lumpur alinsunod sa imbitasyon ni Malaysia King o Supreme Head of State Tuanku Abdul Hal.
Sa kanyang departure message, sinabi ni Pangulong Aquino na sasamantalahin niya ang pagkakataon para mapalakas ang relasyon ng Filipinas at Malaysia.
Magiging sulit at kapaki-pakinabang aniya ang kanyang dalawang araw na state visit sa Malaysia.