INIHIRIT ng kampo ng mga testigo sa pork barrel scam ang paglipat kay Janet Lim-Napoles sa Makati City Jail imbes na manatili sa Fort Sto. Domingo sa Sta. Rosa, Laguna.
Inihayag ni Atty. Levito Baligod, abogado ng mga whistleblower, bagama’t dapat ding respetuhin ang karapatan ni Napoles, kailangan ding ikonsidera ang malaking gastos ng gobyerno sa akusado.
Makatutulong din aniya ang paglipat na lamang sa Makati City jail kay Napoles dahil malapit lamang ito sa government hospitals.
Kung sa usapin ng seguridad ay tiyak aniya ang proteksyon ng mga awtoridad sa lungsod.
Hindi aniya dapat bigyan ng special treatment si Napoles gaya ng paggastos ng gobyerno ng P123,000 sa pagbiyahe para lamang sa check-up ng tinaguriang “pork barrel queen.”
ARREST WARRANT VS PDAF SCAM ILALABAS SA HUNYO
INIHAYAG ni Atty. Levito Baligod, abogado ni Benhur Luy at ng mga testigo sa PDAF at Malampaya fund scams, maaaring sa Hunyo ay may lalabas nang warrant of arrest laban sa mga kinasuhan kaugnay sa nabanggit na mga anomalya.
Sinabi ito ni Baligod sa pagtitipon kamakalawa ng gabi ng Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas (KBP) sa lungsod ng Makati.
Tiniyak ni Baligod, patuloy ang pag-usad ng kasong isinampa sa Office of the Ombudsman laban sa mga dawit na mambabatas at iba pang personalidad sa pamamagitan ng paggamit ng bogus na NGOs ni Janet Lim-Napoles.
Aniya, maasa sila na sa una o pangalawang linggo ng Abril ay maihain na ng Ombudsman ang kaso sa Sandiganbayan.
“The Ombudsman might be able to comeup with a resolution already, the latest would be first or second week of April. We expect po that cases will be filed with the Sandiganbayan. Before June po I am sure meron na po maisyuhan ng warrant of arrest,” ani Baligod.
KUMITA SA PDAD SCAM BUBUSISIIN NG BIR
TANGING ang mga taong tumanggap ng kickbacks mula sa pork barrel funds ang iimbestigahan ng Bureau of Internal Revenue, at hindi na ang mga umakto lamang bilang “conduits” ngunit hindi tumanggap ng komisyon mula sa scam.
Ito ang paglilinaw ni BIR Commissioner Kim Henares bilang tugon sa mga tanong kung iimbestigahan ng kanyang ahensya ang pork barrel suspect at potential witness na si Dennis Cunanan.
“Iyong complaint sa mga government officials ay iyong pinirmahan nila at… hindi naman iyong complaint ay binulsa nila. Ang ini-imbesitgahan namin iyong allegation na binulsa nila,” pahayag ni Henares.
“So when we said we are investigating the PDAF (scam), we are looking at the Commission on Audit report, kasi the one who has the allegation na sila ay kumita ay iyong taga-legislature at hindi iyong executive na ginawang conduit. Wala namang allegation na nagbulsa sila,” dagdag pa ni Henares.