HINDI sumipot sa preliminary investigation ng Department of Justice (DoJ) si Davidson Bangayan, ang tinaguriang “rice smuggler king” kaugnay sa reklamong perjury na isinampa laban sa kanya ng Senado.
Kaugnay nito, tanging sina Senate legal counsel Atty. Maria Valentina-Cruz at Senate Committee on Agriculture and Food Committee Secretary Horace Cruda ang humarap kay Prosecution Atty. Loverhette Jeffrey Villordon.
Tinanggap na rin prosekusyon ang kopya ng counter affidavit na pinanumpaan ni Bangayan.
Ayon kay Cruz, humingi sila ng panahon para makapagsumite ng komento o reply affidavit sa kontra salaysay ni Bangayan.
Itinakda ng DoJ sa Marso 10 ang susunod na pagdinig.
Batay sa 12 pahinang counter affidavit, nanindigan si Bangayan na hindi siya nagsinungaling sa Senado dahil hindi talaga siya si David Tan na hinihinalang rice smuggler kaya’t dapat lamang na ibasura ng DoJ ang perjury complaint.
Kabilang sa naging basehan ng Senado sa kaso ay ang mismong libel complaint na isinampa ni Bangayan laban kay FPI Pres. Jesus Arranza noong 2005 na una nang umaming siya si David Tan.