HINDI sisibakin ni Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III si TESDA Director General Joel Villanueva sa kabila ng pagkakasangkot sa pork barrel scam.
Sinabi ni Communications Sec. Sonny Coloma, nananatili at hindi nabawasan ang tiwala ng Pangulong Aquino kay Villanueva na malapit niyang kaibigan.
Ayon kay Coloma, hinarap ni Villanueva ang mga paratang at nagpahayag din ng kahandaang sagutin ang kaso sa imbestigasyon.
Katunayan ay nagboluntaryo pa si Villanueva na ibigay ang mga impormasyon at dokumentong hinihingi hinggil sa kaso.
Una rito, sinabi rin ni Justice Secretary Leila de Lima na hindi na kailangan pang mag-leave ni Villanueva.
Nilinaw ni De Lima, wala pang naisampang kaso laban kay Villanueva para gawin ang paghain ng kanyang “leave”.
Sa kabila nito, kinompirma ng kalihim na kabilang si Villanueva sa iniimbestigahan ng NBI para alamin ang pagkakadawit sa pork barrel scam gamit ang NGO ni Janet Lim-Napoles.
Napag-alaman, kasama sa mga binabanggit ni dating Technology Resource Center (TRC) director general Dennis Cunanan sa kanyang pagharap sa Senate Blue Ribbon committee, si Villanueva hinggil sa maanomalyang transaksyon.
(ROSE NOVENARIO)