balik-trabaho na ang actor/TV host na si Vhong Navarro, matapos and mahigit isang buwang pagpapagaling sa mga pinsala sa kanyang mukha dahil sa pambubugbog ng grupo ng negosyanteng si Cedric Lee.
Inanunsyo ng Star Cinema nitong Lunes, itutuloy na ni Navarro ang ginagawang horror-comedy movie habang lubos nagpapagaling ng mga sugat kasabay ng pagdinig sa kanyang mga isinampang kaso.
“After a month of showbiz hiatus, host-comedian Vhong Navarro is set to be back on the set of his upcoming comedy-horror film ‘Da Possessed’ this week,” banggit sa website ng Star Cinema.
Matatandaang anim kaso ang isinampa ni Navarro laban kina Lee, modelong si Deniece Cornejo at anim iba pa, kaugnay sa insidente sa condominium sa Taguig noong Enero 22.
Nagsampa rin ng kasong rape si Cornejo laban kay Navarro at noong nakaraang linggo, isang dating pageant contestant si Roxanne Acosta Cabañero ang nagreklamong hinalay rin siya ni Navarro noong Abril 2010.
Sa Pebrero 28, itinakdang ang ikatlong pagdinig sa Department of Justice (DoJ) sa mga isinampang kaso nina Navarro at Cornejo.
2ND RAPE KINONTRA NI VICE
Dumating ang komedyante/TV host na si Vice Ganda sa Pasig Prosecutor’s Office para panumpaan ang inihandang affidavit kaugnay sa kasong rape na isinampa ng dating beauty pageant contestant laban kay Vhong Navarro.
Laman ng kanyang affidavit ang naganap noong Abril 24, 2010 na kontra sa sinasabi ni Roxanne Cabañero na nangyari ang panghahalay.
Sinabi ni Vice, magkasama sila ni Navarro sa concert sa Island Cove sa Kawit, Cavite na nagsimula dakong 9:00 hanggang 12:00 ng hatinggabi.
Pero binanggit ni Cabañero na hatinggabi nang maganap ang rape sa Pasig City.
Giit ni Vice, bago pa magsimula ang concert hanggang kinabukasan ay magkasama pa sila ni Navarro.
Nakatakdang bumiyahe ang komedyante patungong Amerika, Miyerkoles ng gabi para sa kanyang mga serye ng konsert kaya hindi siya makadadalo sa preliminary investigation.
Hindi mismo isinumite ni Vice ang affidavit bagkus ito’y pinapirmahan kay Prosecutor Robinson Landicho na magagamit sa counter affidavit na isusumite ng kampo ni Navarro sa preliminary investigation sa Marso 13.