INIREKLAMO ng 17-anyos dalagita ang isang lasenggong pulis, sinasabing sakit ng ulo sa lugar, dahil sa pananakot at paninigaw sa Binondo, Maynila, iniulat kamakalawa.
Dumulog ang biktimang si Lady Charizze sa MPD Women’s and Children’s Desk, para ireklamo ang suspek na kinilalang si PO1 Randel Arboleda, ng 679 Barcelona St., Binondo, kagawad ng MPD.
Ayon sa biktima, kumakain siya sa isang karinderya dakong 7:00 ng gabi noong February 25, nang dumating ang lasing na suspek na tumabi sa kanya at hinahanap ang kanyang tiyuhin na si Kagawad Jonjon.
Dahil galit na galit umano sa kanya ang suspek at minumura pa siya, tinanong ng biktima kung ano ang problema ni PO1 Arboleda.
Sa halip na sumagot ay binunot umano ng suspek ang kanyang baril at sinigawan si Lady Charizze.
Sa takot ng biktima, agad siyang tumayo at lumayo sa lugar nang biglang dumating ang kanyang tiyuhin na si Kagawad Jonjon.
Nang makaharap ni Arboleda si kagawad Jonjon inutusan pa umano ng lasing na pulis ang kanyang alalay na kunin ang isa pang baril sa kanyang bahay.
Dahil dito, nagparesponde sa mga kagawad ng pulisya si Chairman Roderick Bautista pero agad tumakas si PO1 Arboleda.
Ayon kay Chairman Bautista, matagal nang sakit ng ulo sa kanilang lugar si PO1 Arboleda na laging lasing at nanggugulo.
(leonard basilio)