ISINASAPINAL na ng National Bureau of Investigation (NBI) ang kakailanganing mga dokumento hinggil sa pagsasampa ng kaso kaugnay sa pork barrel scam para sa pangatlong batch.
Bagama’t lumabas ang pangalan ni Sen. Gringo Honasan na sinasabing nakinabang sa P220 million kasama si Sen. Jinggoy Estrada gamit ang Priority Development Assistance Fund (PDAF) at non-governmental organization (NGO) ni Janet Lim-Napoles, wala pang kompirmasyon kung kabilang siya sa posibleng kasuhan ng NBI.
Sinabi ni Atty. Levito Baligod, may mga dokumento nang hawak ang NBI kaugnay sa sinasabing transaksyon nina Honasan at Estrada sa pamamagitan ng Department of Agrarian Reforn (DAR) na pinaglaanan ng kanilang pondo.
Kompyansa si Baligod na uusad pa rin ang kaso bagama’t walang whistleblowers na direktang maka-pagpatunay sa nangyaring transaksyon mula sa taon 2009 hanggang 2011.
Ang tiyak aniya ay may mga empleyado ng ahensya ng gobyerno lalo na ng DAR ang kabilang sa iniimbestigahan ng NBI na lumagda sa tseke, kontrata at vouchers na ginamit para sa release ng P220 million PDAF funds ng dalawang mambabatas.