NAPATUNAYAN guilty ang dating public school teacher sa Lapu-Lapu City sa Cebu kaugnay sa ilang beses na sekswal na pang-aabuso sa 2nd year high school student noong 1997.
Ayon sa Office of the Ombudsman, ang dating guro ng Pajo National High School na si Edgardo Potot ay “convicted” sa apat beses na sexual abuse sa noo’y 14-anyos estudyante mula Hulyo hanggang Agosto, 1997.
Hinatulan ni Judge Eric Menchavez ng Lapu-Lapu City Regional Trial Court, si Potot ng reclusion perpetua o habambuhay na pagkabilanggo sa bawat isa sa 4 counts ng kaso, kaugnay sa paglabag sa Section 5 (b) ng Republic Act 7610 o Special Protection of Children Against Child Abuse, Exploitation and Discrimination Act.
Inatasan din si Potot ng pagbabayad sa biktima ng P15,000 bilang moral damages at multang P15,000 para sa bawa’t count ng kaso.
Si Potot, nananatiling nakalalaya, ay dati na ring na-convict sa tatlong iba pang kasong kriminal para sa katulad na paglabag.