DEADMA ang Palasyo sa mga batikos ni dating Pangulong Fidel Ramos sa administrasyong Aquino, lalo na ang paglala ng kahirapan sa bansa.
Sinabi ni Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte, kinikilala ng administrasyon ang kinakaharap na mabibigat na suliranin at isyu, at patuloy na humahanap ang Malacanang ng solusyon sa mga ito.
“The administration is aware of the country’s problems and the issues we face. We continue to strive to find solutions and programs to address these needs,” ayon pa kay Valte.
Sa kanyang talumpati sa pagdiriwang ng ika-28 anibersaryo ng EDSA People Power 1 Revolution sa Fort Bonifacio, Taguig City, sinabi ni Ramos mistulang mga bombang nakahanda nang sumabog ang mga problemang panlipunan ng bansa dahil sa kawalan ng aksyon ng administrasyong Aquino.
Giit ni Ramos, lalong lumubha ang kahirapan at ang agwat ng mayayaman at mahihirap, mataas na presyo ng mga bilihin, korupsyon, gayundin ang poor governance at pamamayagpag ng dynasties, monopolies at oligarchs.
(ROSE NOVENARIO)