Pinatalsik ng parlyamento ng Ukraine ang kanilang presidente na si Viktor Yanukovich.
Ito’y sanhi ng sunod-sunod na tatlong araw na patuloy ang madugong karahasan sa kapital nitong Kiev na ikinamatay ng halos 100 katao.
Nitong Sabado (oras sa Ukraine), nakalaya na rin mula sa mahigit dalawang-taon pagkaka-hospital arrest ang dating Prime Minister na si Yulia Tymoshenko.
Sakay ng kanyang wheelchair, emosyonal subalit matatag na nagbigay ng mensahe si Tymoshenko sa mga demonstrador na nagtipon sa Kiev.
Itinakda ng Ukrainian parliament ang eleksyon sa bansa sa darating na Mayo 25.
Pero sa isang panayam, sinabi ng napatalsik na presidente na ilegal ang desisyon ng parliamento at hindi siya aalis ng bansa o magbibitiw sa pwesto.
Sumiklab ang tensyon sa Ukraine mula noong nakalipas na tatlong buwan nang lumagda si Yanukovych sa trade deal sa Russia sa halip na sa European Union noong 2013.