SINIBAK na sa Presidential Security Group (PSG) ang Philippine Navy official na nadakip ng Makati City Police habang nagwi-withdraw ng pera sa ATM booth sa East West Bank sa Pasong Tamo Ext., Makati City, gamit ang pekeng ATM card.
“Kausap ko lang po kani-kanina ang group commander ng PSG, si Commodore Raul Ubando at sinabi niyang nakapag-issue na siya ng relief order kay Ginoong Raphael Marcial at ayon po sa kanyang pagkakaalam, isasailalim po ito sa inquest ng fiscal’s office sa Maynila,” sabi ni Communications Secretary Herminio Coloma Jr.
Aniya, lahat ng mga kagawad ng PSG at mga empleyado ng gobyerno ay inaasahang sumusunod sa batas sa lahat ng oras kaya dapat nilang harapin ang resulta sakaling lumabag sila rito.
May sinusunod na aniyang patakaran ang Armed Forces of the Philippines (AFP) at ang PSG hinggil sa kaukulang disciplinary actions na ipatutupad kay Marcial.
Batay sa ulat, bago nadakip si Marcial ay ipinaalam ni ret. Col. Butch Abalon, pinuno ng security dept. ng East West Bank, na ilang kliyente ng bangko ang nawawalan ng pera sanhi ng hindi awtorisadong withdrawal sa kanilang account.
Nahuli ng mga pulis si Marcial noong Biyernes ng gabi habang nagwi-withdraw sa ATM machine na suot pa ang kanyang helmet at may takip ang plaka ng kanyang motorsiklo.
Nakompiska sa kanya ang 11 pekeng ATM cards ng iba’t ibang banko.
(ROSE NOVENARIO)