INAAYOS na ang courtesy call ni Olympian figure skater Michael Christian Martinez kay Pangulong Benigno Aquino III sa Palasyo makaraang magbigay ng karangalan sa bansa sa Sochi Winter Olympics.
Ngunit ayon kay Communications Secretary Herminio Coloma Jr., hectic ang schedule ng Pangulo ngayong Linggo dahil sa pagdiriwang ng EDSA 1 anniversary at pupunta pa sa Malaysia para sa state visit kaya kailangang alamin kung kailan pwedeng maganap ang courtesy call.
“Ang batid ko, nagpadala ng request ang Philippine Sports Commission. Inaalam na natin sa Tanggapan ng Pangulo kung kailan ang mainam na panahon para sa pagkakaroon ng courtesy call ni G. Michael Martinez,” sabi pa niya.
Nauna nang itinanggi ng Palasyo na nakarating sa Tanggapan ng Pangulo ang email message ng ina ni Martinez na humihiling ng tulong pinansyal para sa paglahok ni Michael sa Winter Olympics.
Katwiran ni Coloma, posibleng napunta sa spam mail ang naturang liham.
Dumating sa bansa kahapon si Martinez na sinalubong ng motorcade na naghatid sa kanya sa Mall of Asia sa Pasay City.
(ROSE NOVENARIO)