MAKARARANAS ng dilim ang buong lalawigan ng Abra at ilang bahagi ng Ilocos Sur sa Pebrero 25.
Ito ang nakompirma matapos magpalabas ng abiso ang National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) na mawawalan ng suplay ng koryente ang nasabing mga lugar.
Ayon sa NGCP, sa Martes ang scheduled shutdown ng kanilang transmission facilities kaya mawawalan ng suplay ng koryente ang nabanggit na mga lugar na tatagal ng walong oras, simula 8 a.m. hanggang 4 p.m.
Kabilang sa mga apektadong lugar ang mga sine-serbisyohan ng Abra Electric Cooperative (ABRECO) at Ilocos Sur Electric Cooperative (ISECO) gaya ng Sta. Maria, Narvacan, Santa, Burgos, San Esteban, Santiago, Candon, Sta. Lucia, Sta. Cruz, Tagudin, Suyo, Salcedo, Galimuyod, Banayoyo at Lidlida.
Ang shutdown ay bunsod ng taunang preventive at testing ng 50MVA power transformer at ilang gamit sa San Esteban Substation.
(BETH JULIAN)