INIHAYAG ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chair Francis Tolentino na mas gugustuhin nila ang babaeng traffic enforcer dahil hindi mainitin ang ulo at mahaba ang kanilang pasensiya.
Sa ngayon, bukas ang MMDA sa mga kababaihang handang maglingkod at magsakripisyo para maging traffic enforcer.
Dapat may mangangasiwa ng trapiko kapag nagkasabay- sabay na ang implementasyon ng infrastructure project ng pamahalaan, kailangan magdagdag ng 400 bagong traffic constables sa ipapakalat na tauhan ng MMDA.
Ayon sa MMDA Chief, hiring na at kailangan umano nila sa aplikante ‘yong handang maglingkod at magsakripisyo at kailangan din na nakatuntong ng second year college.
“On going na yung hiring, so far there are some 50 to 60 applicants. Kailangan natin ‘yung handang maglingkod, na walang pinipiling oras. Kailangan merong commitment at handang magsakripisyo,” pahayag pa ni Tolentino.
Dagdag pa ni Tolentino, oobligahin rin nila ang mga contractor na magtalaga ng kanilang 50 flagmen na tutulong sa mga motorista.
(JAJA GARCIA)