NASORPRESA ang Palasyo sa pahayag ni Communist Party of the Philippines (CPP) founding Chairman Jose Ma. Sison na handa siyang makipagkita kay Pangulong Benigno Aquino III sa isang “neutral” na bansa at ipagpatuloy ang naudlot na usapang pangkapayaan ng komunistang grupo at pamahalaang Aquino.
Wala pang tugon si Pangulong Aquino sa panukala ni Sison, ayon kay Communications Secretary Herminio Coloma, Jr.
Ngunit sabi ni Presidential Adviser on the Peace Process Teresita Deles, bagong elemento ito sa peace talks dahil ang huling balita niya’y nanawagan ang CPP sa sambayanang Filipino na patalsikin si Pangulong Aquino.
“The offer to talk to the President is a new element at this time. The last we heard they were calling on all Filipinos to oust the president,” ani Deles.
Makikipag-ugnayan aniya ang kanyang tanggapan sa Norwegian facilitator upang muling buksan ang peace talks dahil nais tiyakin ng pamahalaan na kapag umusad muli ang proseso ay patungo na ito sa platapormang magbibigay daan sa isang matagumpay na konklusyon.
Tiniyak naman ni Coloma na sa kabuuan ay nananatiling bukas ang pamahalaan sa lahat ng mga opsyon na maaaring tahakin dahil ang layunin ay makamit ang kapayapaan.
(ROSE NOVENARIO)